Marikit at maganda si Laida, bukod tangi siya sa kanilang baryo kung ikukumpara sa mga kadalagahan roon. May mga masugid na manliligaw ang binibini, ito ay sina Ramon isang propesor, Ronaldo isang inhinyero, Roberto isang negosyante at si Jun isang pobreng alagad ng sining.
Lahat ng mga ito ay may katangiang gusto ni Laida. Lahat ay pawang mga gwapo at matitipuno at may magandang pag-uugali kung kaya’t nahihirapan siya kung sino sa kanila ang kaniyang pipiliin na maging kabiyak ng kaniyang puso.
Isang araw, habang naglalakad si Laida sa isang tubuhan, napansin niyang aanihin na ito. Tumabas siya ng isang tangkay ng tubo at iniuwi sa kanilang tahanan. Hinati niya ito sa apat, ang gawing dulo ng bawat hati ay sa may buko ng tubo at ang kabilang dulo ay sa may gitna kung saan naroon ang matamis at makatas na bahagi.
Isang gabi habang sabay na nagsidalaw ang mga binata upang manuyo ay ibinahagi niya ang mga piraso ng tubo sa bawa’t isa. Hinimok niyang kainin nila ang mga ito na nagpaunlak naman. Lahat ay nagsimulang kumagat sa matatamis na bahagi ng tubo patungo sa buko nito maliban kay Jun na inunang kagatin ang buko ng tubo.
Lumipas ang isang linggo isang kasalan ang natunghayan sa baryong iyon. Mapalad si Jun na nakaisang dibdib
si Laida. Marami ang nagtanong kung bakit si Jun na isang pobreng alagad ng sining lamang ang kaniyang
nagustuhan. Ipinaliwanag niya na nagustuhan niya ang sistema ng pagkain niya ng tubo na inuna ang buko patungo sa matamis na bahagi nito na maikukumpara sa isang pagmamahal na habang tumatagal ay patamis ng patamis
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment